Monday - October 15, 2018   |   
  • |   
  • |   

  • BUWAN NG WIKA 2018, IPINAGDIWANG!

    by Joel S. Libaton, Jr.

    Posted on 2018-09-17 10:54:59


    “Filipino: Wika ng Saliksik,” ito ang pambansang tema mula sa Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong taon. Ito ay muling ipinagdiwang sa Unibersidad ng St. Paul Dumaguete noong ika-24 ng Agosto, 2018 sa Bulwagan ng Fr. Louis Chauvet na dinaluhan ng mga mag-aaral mula sa iba’t-ibang departamento na may asignaturang Filipino, ilang guro, at kawani ng buong institusyon.

    Talagang naghanda ang mga mag-aaral na makilahok at makisaya sa iba’t ibang mga paligsahan para sa pagdiriwang na ito. Sinimulan ito sa ganap na alas 8 ng umaga hanggang alas 12 ng tanghali para sa paglalaro ng iba’t-ibang katutubong larong Pinoy na nilahukan ng limang (5) pangkat (BSN1-A, BSN1-B, BSN1-C, CAED, at CBIT) upang gunitain ang kanilang kabataan. Sa pagsapit ng alas-1:30 ng hapon naman, ito na ang kataluktukan ng lahat ng mga gawain bilang panapos na Kulminasyon sa Buwan ng Wika sa taong 2018. Ito ay sinimulan sa pamamagitan ng panalangin at pag-awit ng Lupang Hinirang at ng Paulinian Hymn. Sinundan ito ng isang Pambungad na Pananalita na inihandog ng isa sa mga iginagalang na guro sa Filipino na si Bb. Helen E. Antecristo.

    Kaya naman, agad na sinimulan ang iba’t-ibang serye ng mga patimpalak tulad ng Balagtasan, Harana, at Sabayang Pagbigkas na nilahukan pa rin ng limang pangkat mula sa iba’t-ibang departamento. Naipakita rin ng mga mag-aaral sa ika-apat na taon mula sa Kolehiyo ng Sining at Edukasyon ang kanilang talento sa pag-awit bilang mga intermisyon sa programa.

    Bago nagtapos ang kulminasyon ay pinarangalan muna bawat isa ang mga nagsipagwagi sa iba’t-ibang patimpalak. Ito ang naging resulta mula sa desisyon ng mga pinagpipitagang hurado na sina G. Regidor Carale, Gng. Reah Vilan, at Gng. Nella Ibarra.

     

     BALAGTASAN  HARANA  SABAYANG PAGBIGKAS
     Unang Puwesto- CAED  Unang Puwesto- BSN1-A  Unang Puwesto- BSN1-A
     Ikalawang Puwesto- CBIT  Ikalawang Puwesto- CAED  Ikalawang Puwesto- CAED
     Ikatlong Puwesto – BSN1-A  Ikatlong Puwesto – CBIT  Ikatlong Puwesto – CBIT

     

    At ang may pinakamagandang Kasuotang Pilipino ngayong taon ay sina Bb. Charo Torres ng BSA-1 at G. Ralph Reymar Desquitado ng BSIT-1 na kapwa nagmula sa CBIT.

    Matapos ang iba’t-ibang serye ng mga patimpalak, ang Panapos na Pananalita ay ibinigay ni Bb. Cindy Mañejero, isa sa mga guro ng asignaturang Filipino. Sinundan agad ito ng isang panalangin para sa pagkain ni G. Joel S. Libaton, Jr. at sinimulan ang Pista sa Nayon.
    Hindi magiging maayos ang daloy ng programa kung wala sina Bb. Jessel Cabanog at G. Chester E. Ceriales na kapwa mga mahuhusay at dalubhasa sa mga seremonya. Ang buong programa ay naging matagumpay sa pagtutulungan ng mga mag-aaral sa Filipino, mga nagpapakadalubhasa sa Filipino, mga guro sa Filipino na si Bb. Cindy Mañejero at Bb. Helen E. Antecristo, at ang pangulo ng buong unibersidad na si Sr. Joseline R. Lasala, SPC.

    Talagang layunin ng programang ito na maisapuso at maisabuhay ng mga mag-aaral ang tunay na diwa at halaga ng Wikang Filipino bilang instrumento ng pananaliksik sa iba’t-ibang larangan ng karunungan tungo sa pagbabago ng ating lipunan.

    Mabuhay ang Wikang Filipino! Mabuhay tayong mga Pilipino!







    Copyright © 2018 St. Paul University Dumaguete | All rights reserved | Powered by BSIT '16
    Contact Details: (035) 225-1506 local 200
    Email Address: president@spud.edu.ph